Monday, July 13, 2009

Pwede ba tayong magalit sa Diyos?

Tayo ay mga nilalang na mayroong damdamin. Marunong tayong matuwa, malungkot, matakot, mapahiya, mag-alinlangan, at magalit. Sigurado ako na mayroon pang ibang mga damdamin o emosyon tayo bilang tao subalit hindi ko na nais itong isa-isahin.

Ang bawat emosyon o damdamin natin ay dumarating madalas bunsod ng ating mga karanasan. Natutuwa tayo kung mayroon tayong nakita o natanggap na isang bagay na gusto natin. Nakararamdam tayo ng takot o pangamba kung mayroong nagtatangka sa ating kaligtasan o kalagayan, tao man ito o isang pangyayari. Nagagalit tayo kung ang isang bagay o pangyayari ay hindi naganap nang ayon sa ating gusto o inaasahan, o kung tayo ay nasasaktan at natutulak sa isang sulot na parang wala na tayong kalaban-laban. Maging ang aso o pusa, o maging ang kahit anong nilalang ay nagagamit niya ang kanyang likas na defense mechanism para ipagtanggol ang kanyang sarili.

Para sa isang tao na may paniniwala sa Diyos, tanggap niya na mayroong kinalaman ang Diyos sa mga bagay at karanasan na dumarating sa kanyang buhay. May mga nagpapasalamat kapag mayroong magandang nangyari sa buhay niya katulad ng tagumpay, magandang trabaho, malusog na pangangatawan, masarap na buhay. Mayroon din namang halos hindi naiisip ang Diyos na nagbigay sa kanya ng mga biyayang ito.

Subalit kapag dumating ang mga sakuna sa buhay: namatayan ng mahal sa buhay, nawalan ng trabaho, nagkaroon ng malubhang sakit, nabaon sa utang, parang napakadaling magalit sa Diyos. Parang ang Diyos ang sanhi ng lahat ng kamalasan sa buhay niya.

Ngunit, may karapatan nga ba tayong magalit sa Diyos? (itutuloy...)

Sunday, June 21, 2009

Mapunyaging Papuri sa Local na Kapulisan sa Teresa

Likod na kwento (Background Story):
Kamakailan lamang (Mayo 2009) ay mayroong nangloob sa aming munting tahanan. Hindi ko maubos-maisip na ang aming bahay ay bibigyang interes ng mga buktot na magnanakaw. Maliit lamang ang aming bahay kung tutuusin, bagaman at may ilang kagamitan. Bukod pa roon, ang bawat bintana ay mayroong rehas. Panatag ang aming loob at gabi-gabi ay payapa kaming humihimlay ng aking mahal na asawa at mga anak.

Gayun na lamang ang aming pagkagimbal nang isang gabi ay nagmulat kami at nagisnan na bukas ang aming pintuan! Ang mahal kong Asus Eee PC 900 na nakapatong sa aming sofa at nakasilid sa isang bag ay wala na sampu ng aking mumurahing cellphone at dalawang libong piso na nakalagay sa aking wallet. Huli na ang lahat at hindi na namin nagisnan pati ang walang-hiyang magnanakaw. Ang masaklap: katatapos ko pa lamang hulugan iyon noong nakaraang Abril. Buhay nga naman...

Ipinaalam namin sa mga barangay tanod at sa kapitan ng aming barangay ang nangyari. Nalaman namin na noong madaling-araw ng araw na yaon ay mayroon pala silang hinagad na tao na may bitbit na dalawang bag. Sa kasamaang palad ay hindi nila nadakip.

Kinagabihan ay nagkaroon ng operasyon ang kapulisan ng bayan namin. Di kawasa ay nakapulot sila ng isang asset na maaaring makapagturo sa kinaroroonan ng magnanakaw. Di-umano ay isa rin itong magnanakaw na nahuli ng mga pulis at sinasabi na dati itong kasamahan.

Nagpunta kami at nagmanman sa mga lugar na istambayan ng nanloob. Subalit natapos ang gabi, at umuwi kaming bigo.

Lumipas ang ilang linggo at mahigit isang buwan...
Nagising ako sa mga katok na aking narinig sa aming tarangkahan. Parang may tumatawag. Dali-daling nilabas ko sila at hinarap. Sa kabila ng bahagyang pagkaantok ay nakilala ko ang mga tumatawag. Sakay sila ng isang L-300 na may nakasulat sa pulang mga titik: PULIS. Nagising ang aking diwa at kumabog ang aking dibdib. Mayroon silang kasamang dalawang kabataan. Parehong nakaposas. Ang isa ay nakapaningkayad at natatalukbungan ng manipis na jacket.
"Ito na ba ang mga nangloob sa amin?", tanong ko sa mga pulis.
"Kayo ba ang ninakawan ng laptop?", ang balik na tanong sa akin ng isang pulis.
"Opo!", sagot ko.
"Sa Greenhills daw dinala. Ibinenta sa halagang limang libo."
Napatingin ako sa maybahay ko na noo'y nasa tabi ko na pala. Ito yung halaga na sinabi namin sa magnanakaw nung tinawagan namin siya at sinabing bibilhin na lamang namin yung ninakaw niyang laptop.
"Mayroon po ba kayong kahon o resibo nung laptop? Samahan po ninyo kami. Pupuntahan natin sa Greenhills ngayong umaga. Baka ma-retrieve pa natin." panukala ng pulis.

Naghanda ako at nakipagtagpo sa mga pulis sa kanilang head quarters. Doon ko nalaman kung paano nila isinagawa ang operasyon:
Bago maghating-gabi ay nagpunta ang mga tatlong pulis sa barangay hall. Doon naglalagi ang mga tanod. Humingi sila ng ayuda para sa operasyon nila ng gabing iyon. Tumugon naman ang tatlong tanod at sumama sila sa lugar kung saan aabangan at dadakipin ang suspect. Dumating sila sa lugar mga alas dose ng gabi. Ipinarada ang sasakyan sa isang kubling lugar at matamang naghintay. Lumipas ang isang oras. Hindi pa rin lumalabas ang suspect. Dalawang oras. Naiinip na at inaantok ang ibang kasama naghihintay. Bukod pa ang init na kanilang tinitiis habang nasa loob ng isang tinted na sasakyan na patay ang makina at patay ang aircon. Bagamat pawisan ay nagtiyaga pa rin silang nagmasid at naghintay. Alas dos y medya. May lumabas na isang grupo ng kabataan. Dalawang medyo mataas at isang maliit. Nakilala ng mga pulis ang isa. Ang subject.
Bago nila malapitan ay may tumigil na isang jeep at sumakay ang tatlo. Sinundan ng mga pulis at tanod ang jeep at nang huminto ito sa harap ng isang subdivision, bumaba sila at hinablot ang mga suspect. Huli ang dalawa. Subalit yung pinakamaliit ay nakatakas. Positive na nakumpirma nila na nahuli nga nila ang magnanakaw.
Simula noong magkaroon ng nakawan sa bahay namin ay hindi pa tumigil ng paghahanap at pagmamanman ang mga pulis. Ang hinagap ko ay pakitang-tao lamang noong magkaharap kami noong una at hindi sila gaanong magsisikap na hanapin ang gumawa ng masama.
Maling-mali pala ako.
Sa oras na iyon ay nabago ang impression ko sa ating kapulisan. Mayroon pala sa kanila na talagang may puso sa trabaho. Na kahit natutulog pala tayo ay sila pa rin ay nagpupuyat upang bigyan tayo ng seguridad. Hindi sila perpekto at marahil ay marami pa rin sa kanila ang may balikong pagganap sa kanilang trabaho. Subalit natutunan ko na sa kabila ng masamang imahe ng kapulisan na madalas ay ipinakikita sa mga balita at sa mga pelikula, mayroon pa rin pala na tapat sa kanilang tungkulin at karapat-dapat na tumanggap ng ating paggalang at pagkilala.

Wednesday, May 20, 2009

Sulok

Bawat isa ay mayroong sulok
Kung saan tayo nagsusuksok...